Naka-admit ngayon sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang halos 70 indibidwal dahil sa leptospirosis.
Ito ay sa gitna ng pagdagsa ng mga pasyente kasunod ng pananalasa ng Bagyong Carina at southwest monsoon.
Ayon kay NKTI Deputy Executive Director for Medical Services Romina Danguilan, 67 mga pasyente ang kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Lahat umano ng mga ito ay nangangailangan ng dialysis dahil ang kidneys ng mga ito ay hindi na umuubra, at apektado na rin ang mga pancreas at atay ng mga ito.
May mga severe cases din aniya kung saan may 2 naka-intubate.
Mababatid na una nang na-convert ang gymnasium ng NKTI para maging leptospirosis ward para tugunan ang tumataas na bilang ng mga pasyente.
Sa kabila nito, nag-request pa ang ospital ng karagdagang 20 mga nurse, at 10 pang doktor mula sa DOH para tugunan ang kakulangan ng manpower.