Hindi naging madali at gumugol din ng ilang minuto ang paghikayat ng mga senador kay Alice Leal Guo o Guo Hua Ping upang sumailalim siya sa executive session.
Ito ay upang mapangalanan ang ‘most guilty’ sa likod ng Philippine Offshore Gaming Operator controversy.
Sa naging negosasyon kanina, tiniyak ni Senador Ronald Bato Dela Rosa na walang dapat ikatakot si Guo dahil walang anuman sa sasabihin niya ang lalabas mula sa session.
Dagdag pa ni Senadora Risa Hontiveros, ito na rin ang pagkakataon ni Guo na makapagsalita at kung hindi naman ito matapos ngayon ay maari rin itong ipagpatuloy sa susunod kasama na mismo ang kanyang abugado.
Samantala, sa kuwarto ni Senate Majority Leader Francis Tolentino isinagawa ang executive session sa pagitan ni Guo at mga senador.