Binweltahan ng grupong MANIBELA ang sinabi ni LTFRB chairman Atty. Teofilo Guadiz III na hindi pwedeng basta-basta magbigay ng libreng sakay ang transport group o ang sinomang grupo nang walang permiso mula sa ahensya.
Ito ay matapos tiyakin ng grupo ang pagbibigay ng libreng-sakay sa Lunes, sakaling matuloy ang ikakasang tigil-pasada ng Magnificent 7.
Sa panayam ng Brigada News FM Manila kay MANIBELA President Mar Valbuena, kinwestyon nito kung bakit tila pagdating sa kanilang grupo ay nagiging mahigpit sila.
Nung nagbigay naman aniya ng libreng-sakay ang mga LGUs, hindi naman naging mahigpit ang ahensya.
Nanindigan si Valbuena na ang hakbang na ito ay para makatulong sa mga komyuter.
Makakasakay na nga raw ang publiko, makakalibre pa sila sa araw na iyon.
Una nang sinabi ni Guadiz na hindi na pwede pang makita sa lansangan ang mga miyembro ng MANIBELA dahil hindi naman ang mga ito consolidated.