Mayroon na umanong nabuong consensus o pagkakasundo ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na pairalin na lamang ang granular lockdowns sa halip na magpatupad ng malawakang enhanced community quarantine (ECQ) para patuloy na mapigilan ang pagkalat ng covid-19 sa bansa.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya na ang implementasyon ng dalawang linggong granular lockdowns ay inirekomenda na para sa pag-apruba ng Inter Agency Task Force (IATF).
Tiniyak naman ni Malaya na mayroong suportang ibibigay ang pamahalaang nasyunal para sa mga residente sa lugar na isasailalim sa granular lockdowns.

Sinabi ng opisyal na ang lokal na pamahalaan ang mangunguna sa pagbibigay ng ayuda sa mga residenteng nasasakupan nito para sa unang linggo ng lockdown at sa ikalawang linggo naman ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mamamahagi ng ayuda.
Sa ilalim ng granular lockdown, lilimitahan lamang sa isang gusali, lansangan o barangay ang pagpapatupad ng mahigpit na restriksyon. // MHEL PACIA-TRINIDAD