Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na naipamahagi na ang P308 million mula sa P311 million na dagdag na pondo para sa special risk allowance ng mga healthcare workers sa bansa.
Sa briefing ng House Committee on Health ukol sa panukalang 2022 budget ng DOH, iniulat ni DOH Financial and Management Service Director Larry Cruz na ang nabanggit na P308 million ay naibaba na sa iba’t-ibang mga ospital at pasilidad para sa natukoy na 20,000 mga healthcare workers.
Ayon kay Cruz, sa kabuuan ay nakapaglabas na ang DOH ng SRA sa mahigit 399,000 na medical frontliners sa bansa.

Sa kasalukuyan, may nakabinbin umanong budget request para sa SRA para sa mga hindi pa nababayarang healthcare workers.
Mababatid na humiling ang DOH sa Department of Budget and Management (DBM) ng dagdag na pondo upang maibigay na ang naturang allowance. //MHEL PACIA-TRINIDAD