Pinuri ni Sen. Christopher Bong Go ang education sector sa pagsisikap nitong maipagpatuloy ang pagtuturo at edukasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos makuha ng Pilipinas ang five star rating sa isinagawang pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF).
Kasama ang Pilipinas sa apat mula sa 67 na bansa na nabigyan ng mataas na score sa Remote Learning Readiness Index na kinabibilangan ng Argentina, Barbados at Jamaica.
Ang score ay ibinase sa iba’t-ibang usapin sa household level, government’s policy response, at emergency preparedness ng national education sector.

Kasabay nito pinatitiyak naman ni Go na magkaroon ng pantay-pantay na oportunidad ang mga bata na makapag-aral kahit saan mang parte ng bansa at anumang estado ng buhay.
“Bigyan natin ng konsiderasyon ang marami na walang pambili ng kagamitan, walang access sa internet at walang pambayad sa matrikula dahil nawalan ng trabaho ang kanilang pamilya dulot ng pandemya. Importante rin masigurong handa ang mga teachers gumamit ng mga makabagong paraan para masigurong hindi makompromiso ang matututunan ng mga bata,” dagdag pa ni Go.