Muling umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa lahat ng mga eligible Filipinos na magpabakuna laban sa COVID-19, kasabay ng pamamahagi ng tulong sa mga residente sa Davao City.
Sa kanyang video message, nagbabala si Go sa publiko laban sa pandemic fatigue at nanawagan para sa patuloy na vigilance at kooperasyon para mabawasan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang kumunidad.
“Pakiusap, kailangan namin ang kooperasyon at disiplina niyo. Kung gusto niyo makamtam natin ang population protection ngayong taon, para masaya naman ang Pasko natin, magpabakuna kayo. Huwag kayo matakot dahil kahit kami ni Pangulong (Rodrigo) Duterte ay bakunado na rin,” paghihikayat ni Go.

“Kung mahal niyo ang inyong pamilya, ‘wag niyong sayangin ang pagkakataon kung nasa priority list kayo at sumunod tayo sa mga awtoridad. Tingnan niyo sa ibang bansa. Umakyat ang bilang ng mga kaso nila dahil sa mga variants. Ayaw nating bumagsak ang ating healthcare system kaya pakiusap ‘wag tayo maging kampante,” dagdag nito.
Samantala, bilang chairman ng Senate Committee on Health, nag-alok ang senador ng tulong para sa mga mangangailangan ng medical care, at pinayuhan na lumapit sa Malasakit Center sa Southern Philippines Medical Center.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop na nagbibigay ng convenient access sa medical assistance programs na inaalok ng DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.