Pinaalalahanan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga otoridad na muling balikan ang mga proseso upang lalo pang mapaganda ang vaccine rollout, habang tiniyak na agad naitama ang mga pagkakamali, matapos ang insidente ng improper inoculation laban sa COVID-19.
Sinabi rin ni Go na iniimbestigahan na ng Department of Health ang naturang mga isolated cases ng umano’y ‘breach in protocol’ kung saan hindi maayos na naiturok ang COVID-19 vaccines.
Sa gitna nito, sinabi ng chairman ng Senate Committee on Health, na hindi dapat agad husgahan ang mga healthcare workers na patuloy na isinasakripisyo ang kanilang buhay para tumulong sa iba, at ginawa ang kanilang tungkulin.
“In fairness sa mga health workers natin na nagtatrabaho pa ng overtime, kawawa rin po sila. Masipag po ito, nagsikap po ito na makapagserbisyo sa inyo. Wala pong perpekto sa mundong ito. Maaaring meron diyan na 1% o less than 1% na maaaring magkamali dahil na rin po siguro sa pagod at hirap ng kanilang ginagawa para sa ating mga kababayan… So, bigyan muna natin sila ng pagkakataon at ‘wag muna natin silang husgahan at wala naman sigurong mananadya,” saad ni Go.
Samantala, nanawagan ang senador na maging kalmado sa gitna ng strong reactions mula sa viral video ng isang health worker na nagturok ng bakuna, pero hindi itinulak ang syringe dahilan para maiwan pa sa loob ang bakuna.
“Pakiusap ko po huminahon tayo. Bigyan ng pagkakataon ang healthworker natin i-explain din po ano ang totoong nangyari at kung maaari ‘di na ito maulit dahil magdaragdag din ito ng pangamba sa mga kababayan natin kung iniisip nila na ‘di sila nabakunahan,” pakiusap ni Go.
Sa huli, hiniling nito sa mga medical frontliners na maging maingat na sa susunod upang maiwasan ang katulad na mga lapses.
“Sana po ay maiwasan na ito. At sana po ang vaccination kung 99% ay sana umabot tayo sa 100% na wala na pong kakulangan o katulad nitong pumalpak,” dagdag nito.
