Wala na bang bago?
Ito ang tanong ni Sen. Bong Go kay dating Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay sa mga alegasyong plunder kaugnay sa P6.6-billion na halaga ng road widening at concreting projects na ibinigay sa mga kompaniya na pagmamay-ari at pinapatakbo ng kanyang ama at half-brother.
Ayon kay Go, panis na ang naturang isyu, dahil katunayan, noong Setyembre 2018 pa, at nung hindi pa umano siya senador, ay sinagot na niya ito at hinamon pa si Trillanes na imbestigahan at magsampa ng kaso.
Giit ng senador, hinding-hindi siya uurong sa kaso dahil alam niyang malinis ang kanyang konsensya at wala umano siyang batas na nilabag.
“Ang tanong ay nakinabang ba ako? Nakialam ba ako? Nag impluwensya ba ako? Wala! Buti pa ang ibang tao, nakakahingi ng tulong sa akin. Pero ang pamilya ko hindi nakakalapit sa akin ‘yan, lalo na ang half brother ko na magkaiba naman ang aming nanay,” pag-gigiit ng senador.
“Naging mambabatas ka naman Trillanes at may mga abogado ka rin naman, paano naging plunder laban sa akin at kay Pangulong Duterte ang isang lehitimong transaksyon ng gobyerno na wala naman kaming kinalaman?,”pagpapatuloy ng senador.
Sinabi pa noong ni Go na kung mapapatunayan ni Trillanes ang paratang laban sa kanya ay agad siyang magbibitiw sa Senado, pero makalipas ang halos tatlong taon ay wala naman umanong napatunayan ang dating mambabatas.
“Lahat ng mga ito ay nasagot ko na. Puro kasinungalingan ang pinapakain niya sa taumbayan… Kaysa makatulong, nilalason lang niya ang isipan ng mga Pilipino para sa kanyang pansariling interes.”
Para kay Go, nire-recycle lang ni Trillanes ang lumang fake news, lumang tugtugin, lumang basurang itinatapon sa kanya, dahil sa papalapit na halalan.
“Kumita na yang style mo, Trillanes. Kumita na ang style mo na magtatapon ka ng maitim na putik para lang ikaw naman ang magmukhang maputi at malinis!” patutsada ng senador.
Nagtatrabaho ako dito para magserbisyo sa aking kapwa Pilipino. Ikaw naasan ka, Mr. Fake news? pasaring pa nito.
