Sinuspende ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng isang kompaniya na nagbayad ng sahod sa isa nitong empleyado ng low-denomination coins.
Sa pulong sa pagitan ni Gatchalian, complainant na si Russel Manosa at NexGreen Enterprises proprietor Jasper Cheng So, tinalakay ang mga isyu kaugnay sa naturang insidente at iba pang usapin hinggil sa kompaniya.
Matatandaan na si Manosa ay binayaran ng NexGreen ng kanyang sahod sa loob ng dalawang araw sa P1,056 kung saan ito ay binubuo ng lima at sampung sentimong coins.
Ayon kay Gatchalian, hindi matatapos sa naturang meeting ang lahat, dahil gusto umano niyang makuha ang pinaka-ugat ng isyu.
Sa naturang pulong, sinabi ni So na hindi nila intensyon na sahuran si Manosa ng coins, at ito umano ay ido-donate lang nila, pero hindi kinagat ng alkalde ang naturang paliwanag, habang si Manosa ay naniniwala naman na ito ay sinadya.
Kaugnay nito, nabunyag pa na may utang ang kompaniya sa naturang empelyado na P55,000 dahil sa hindi pagbabayad ng overtime at underpayment ng sahod at iba pa. // MHEL PACIA-TRINIDAD
