Binawian ng buhay ang isang gasoline boy matapos umano itong ma-hit and run sa kahabaan ng Barangay Calimpac, Guinayangan, Quezon nitong Lunes, Enero 9.
Kinilala ang biktima na si Edzel Genato, 24-anyos, residente ng Brgy. Sisi ng naturang bayan.
Ayon sa report, binabagtas umano ng motorsiklo na minamaneho ni Genato ang direksyon ng southbound nang biglang okupahin ng kasalubong na motorsiklo ang lane na nagresulta sa pagkakahagip nito sa unahang kanang bahagi ng motor ng biktima.
Agad na umalis ang suspek matapos ang aksidente habang nagtamo ng matitinding pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima kaya agad rin itong isinugod sa hospital para malapatan ng lunas.
Subalit dahil sa tindi ng mga tinamo ito, inilipat pa umano ito sa ibang hospital para malunasan subalit binawian rin ito ng buhay kalaunan.
Kasalukuyan ng nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon at operasyon ng awtoridad hinggil sa aksidente.