Hindi nakakaramdam ng pressure ang magka-loveteam na sina Alexa Ilacad at Gab Lagman sa gitna ng pagdating ng mga bagong Star Magic talents.
Nagkaroon ang Brigada News FM ng pagkakataon na makausap ang dalawa na kabilang sa mga inaabangang loveteam sa teleseryeng “Init sa Magdamag” sa isinagawang online media conference nitong Lunes.
Ayon kay Gab, masaya siya na meron mga bagong artist na nagdadatingan sa industriya.
Ipinunto ng 25-anyos na aktor na darating naman ang mga proyekto kung talagang para sa kanila ito.

Aminado naman si Gab na marami pa siyang kailangang patunayan hindi anya katulad ni Alexa na kilala na sa industriya.
Para naman sa 21-anyos na si Alexa, na isa rin dating childstar, ay sinabi niya na kumpyansa siya sa kaniyang talento at sa ngayon ay tutok siya sa paggawa ng pangalan para sa sarili.
Patuloy na umaasa si Alexa na kabilang siya sa mga artists na patuloy na makokonsidera sa tuwing meron niluluto na bagong proyekto.
Marami-rami na rin mga proyektong pinagdaanan si Alexa simula nang una siyang lumabas sa kiddie gag show na Goin’ Bulilit.
Kasama rin si Alexa sa pelikulang Four Sisters Before the Wedding kung saan ay ginampanan niya ang papel ng batang Bobbie Salazar.
Mababatid na pwedeng mapanuod ang “Init sa Magdamag” gabi-gabi, 9:20 sa TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Jeepney TV at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.