Bukas sina Alexa Ilacad at Gab Lagman na maging magkatambal muli sa ibang proyekto.
Kasalukuyang nagsisilbi sina Alexa at Gab bilang “second layer” loveteam sa teleseryeng “Init sa Magdamag” na pinagbibidahan nina Yam Concepcion, Gerald Anderson, at JM De Guzman.
Sa ginanap na regional media conference para sa nasabing programa ay inamin ng 21-anyos na aktres na natutuwa siyang makatambal si Gab.
Dagdag ni Alexa, kahit hindi sila magkita sa loob ng mahabang panahon ay kumportable siya sa tuwing sila ay magkasama.

Sinabi naman ni Gab na hindi na sila nagkakahiyaan ni Alexa sa tuwing sila ay nagkikita, at sa katunayan ay nabibiro niya na ang dalaga.
Inihayag naman ng dalawa na parehong pangarap nila na bumida sa isang superhero themed show na maihahalintulad sa mga palabas ng Marvel at DC.
Kung hindi naman, ay sinabi nila na willing sila na pasukin ang mundo ng Rom-Com na katulad ng madalas na tema ng K-dramas lalo na sa panahon ngayon ng pandemya kung saan ay mas kailangan ng mga tao ang light dramas.