Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi nagtugma ang fingerprints ni suspended Bamban Mayor Alice Guo – sa isa pang ‘Alice Leal Guo’ na unang isiniwalat sa pagdinig ng Senado.
Ang ikatlong ‘Alice Leal Guo’ na ito ay mayroong parehong pangalan ng alkalde, at pati na rin ng lugar ng kapanganakan.
Sa pulong balitaan, sinabi ni NBI director Jaime Santiago na ang indibidwal na ito ay ang siyang kumuha ng NBI Clearance noong 2005.
Palagay tuloy ng NBI – baka raw mayroong nag-instruct sa naturang tao na ito na kumuha ng NBI clearance para lituhin ang mga otoridad.
Dahil dito, nag-alok sila ng reward para sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon taong nasa naturang clearance.
Maaari raw itong maharap sa kasong kriminal para sa pagbabago ng kanyang pagkatao.
Bago ito, una naman nang nag-match ang fingerprints ni Mayor Guo, sa isang Chinese national na nagngangalang ‘Guo Hua Ping’.