Tinukoy ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac ang agency official na umano’y dawit sa “doubtful” expenditure na napuna ng Commission on Audit (COA).
Pagbubunyag ni Cacdac, ang sinasangkot na opisyal ay si Deputy Administrator Faustino Sabares III.
Si Sabares ang isa umano sa mga responsable para sa kwestiyunableng P1.2-million expenditure, na kinabibilangan ng kontrobersiyal na pagbili ng sanitary napkins mula sa isang construction company.
Una nang napaulat ng COA na pinuntahan nila ang construction firm na tinutukoy ng OWWA pero hindi umano nila mahanap ang naturang establisyemento.
Si Sabares ay binigyan umano ng cash advance para mapabilis ang procurement ng personal protective equipment, pagkain at hygiene kits, at iba pa, noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic mula March hanggang June 2020.
Samantala, ibinahagi naman ni Cacdac na nakatanggap ang OWWA ng unqualified opinion mula sa state auditor, at tanging bahagi lang ng cash advance ang kailangang maipaliwanag. // MHEL PACIA-TRINIDAD
