Pormal nang inimbitahan ng Quad Committee sa Kamara si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na pagdinig matapos mabanggit ang pangalan sa murder case sa tatlong Chinese druglords sa loob ng maximum security compound ng Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Inakusahan kasi ng isa sa mga testigo at suspek sa pagpatay sa Chinese druglords na si Leopoldo Tan na si Duterte umano ang nag-utos.
Sa mosyon ni House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., nais nitong marinig ang panig ng dating pangulo upang maging patas ang imbestigasyon.
Ang imbitasyon kay Duterte ay nag-ugat sa testimonya ni Tan na narinig umano niyang kausap ng officer-in-charge ng DPPF na si Superintendent Gerardo Padilla sa cellphone ang isang indibidwal na kaboses ng dating pangulo na kalauna’y nakumpirma mula sa naturang opisyal ng bilangguan.
Bukod kay Duterte, ipinatatawag din ni Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel sa susunod na pagdinig si SPO4 Arthur Narsolis na high school classmate ni Tan at siyang lumapit sa kanya para ialok ang pagpatay sa mga Chinese kapalit ng pera at kalayaan.
Kabilang pa sa inimbitahan ang superiors ni Narsolis sa Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-11 sa Davao City na sina Col. Edilberto Leonardo at Lt. Col. Royina Garma at si Superintendent Padilla.
Iginiit ni Pimentel na kung gagawa ng organizational chart ay malinaw na mayroong nangyaring conspiracy o pagsasabwatan mula sa pinakamataas na leader hanggang sa maliliit na opisyal.