Handa naman umano si dating Philippine National Police (PNP) chief, Senador Ronald Bato Dela Rosa na tumanggap ng interview request mula sa International Criminal Court (ICC) kung magkaroon man sila ng pormal na pag-uusap.
Ngunit paglilinaw niya, ang posibleng pagpayag niya rito ay hindi ibig sabihing kinikilala niya ang hurisdiksyon ng ICC kundi hindi lang siya bastos na tao.
Samantala, umaasa naman si Dela Rosa na maninindigan ang institusyon ng Senado para sa kanya kung sakaling umabot man sa ‘worst comes to worst scenario’ ang isyu tungkol dito.
Anya, kung di man tatayo ang Malacañang para sa kanya ay inaasahan niyang tatayo ang mga kasamahan niyang mambabatas para sa tama at kalayaan.
Maliban pa roon, ngayon pa lang ay pinaalalahanan na niya ang PNP na tukuying maayos ang dapat nilang sundan sa pagsisilbi ng anumang kautusan.
Kasunod ito sa naging patutsada ni dating Senador Sonny Trillanes na kabilang si Dela Rosa sa mga gustong silbihan ng arrest order ng ICC dahil sa naging madugong war on drugs.