CAMARINES NORTE- Namahagi ng mga bangka ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa isang eskwelahan, samahan ng mga maliliit na mangingisda at dalawa pang indibiwal mula sa Mercedes at Sta Elena, Camarines Norte.
Pinangunahan ni Provincial Fishery Officer Rolando Tiam ang pamamahagi ng limang bangka sa mga benepisyaryo na ginanap sa Provincial Office ng BFAR sa bayan ng Mercedes.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay ang Camarines Norte State College, Mercedes Campus na ang mismong bangka at Certificate of Award ay tinanggap ni Campus Director Manuel Alberto.
Nabigyan din ng bangka ang Aktibong Samahan ng mga Mangingisda tungo sa Maunlad na Pamayanan ng Mercedes o ASPAM.
Ayon kay Marlon Barcelon malaking tulong ito sa kanilang grupo dahil mayroon na silang magagamit sa ipinagkatiwala sa kanilang fish cage.
Ang iba pang nakatanggap ng bangka ay ang Samahan ng Mangingisda ng Kagtalaba (SAMAKA) mula sa barangay Kagtalaba, Sta Elena at ang Provincial Seaweed Nursery ng Barangay Caringo at Apuao sa Mercedes.
Ang mga indibidwal naman na nabigyan ng bangka ay sina Norberto Ferrera at Francisco Inocencio na kapwa mula sa Barangay Manguisoc, Mercedes.
Kasamang ipinamahagi ng bangka ay ang makina nito at iba pang kagamitan at ang counterpart lang ng benepisyaryo ay ang katig nito.
Hinimok naman ni PFO Tiam ang mga benepisyaryo ng bangka na pahalagahan ang mga tulong pangkabuhayan ng gobyerno.
Aniya magagamit ang naturang mga bangka kahit pa ng mga apo ng benepisyaryo kung pag iingatan lang.
Ganito rin ang mensahe ni Mercedes Mayor Dante Morales sa mga benepisyaryo.
Ayon sa Alkalde kailangang pag ingatan ng mga benepisyaryo ang itinutulong ng gobyerno dahil hindi lang isa ang pwedeng makinabang nito.
