CAMARINES NORTE- Inanunsiyo ng Department of Education na mag uumpisa na sa Lunes, July 25 hanggang August 22, 2022 ang enrollment para sa School Year 2022- 2023.
Ito ang inihayag ni Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha Guemo sa programang DepEd Hour noong Sabado, Hulyo 16.
Sa naturan ding programa ay ipinaliwanag nito ang tungkol sa DepEd Order No 34 ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na nagtatakda ng pagbubukas ng klase sa August 22 bagay na binatikos ng iba’t- ibang Teacher’s Organization.
Nais kasi ng mga guro na iurong ang pagbubukas ng klase sa kalagitnaan ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre upang mabigyan ang mga ito ng sapat na pahinga
Aminado naman si Guemo na batid nito ang mga balita hinggil sa maraming negatibong reaksyon sa tila napaagang pagbubukas ng klase.
Kaugnay nito ay sinabi ni Guemo na magbibigay ang DepEd ng service credit sa mga gurong papasok sa eskwelahan sa enrollment period.
Iminungkahi rin nito na magpalitan ang mga guro sa pagpasok sa eskwelahan sa enrollment period upang ma- enjoy pa rin ng mga ito ang bakasyon kasama ng kanilang pamilya.
Hinihikayat din ang mga eskwelahan na magkaroon ng team building at “unwinding” activities ng mga guro upang kahit papaano ay mabawasan ang stress sa trabaho.
Nilinaw din ni Guemo na ang calendar of activities alinsunod sa naturang DepEd Order ang siya ring susundin ng Alternative Learning System at pwede ring sundan ng mga pribadong eskwelahan.
Mayroong 203 number of school days para sa susunod na school year at hindi kasama ang Sabado sa bilang hindi tulad ng katatapos lang na academic year.
Applicable ang naturang kautusan anumang Alert Level ang umiiral sa isang lugar.
