Inutos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar ang pag-review sa mga patakaran at regulasyon ng PNP Academy at iba pa nitong academic policies matapos ang pagkamatay ng isang kadete noong Huwebes.
Sinabi ni Eleazar na inutos niya kina PNPA director Police Major General Rhoderick Armamento at Directorate for Human Resources and Doctrine Development director Police Brigadier General Arthur Bisnar ang pagsasagawa ng mga kinakailangan na review at adjustments sa mga polisiya ng akademya.
Umaasa si Eleazar na sa pamamagitan ng gagawing review ay lalakas ang moral foundation ng mga kadete sa PNPA.

Una nang sinabi ng liderato ng PNP na nagpapatuloy ang probe sa pagkamatay ni Cadet 3rd Class George Carl Magsayo.
Matatandaan noong September 23 ay napaulat na pinagsusuntok si Magsayo ng upperclassman nito na kinilala bilang si Cadet Second Class Steve Ceasar Maingat.
Nag-collapse si Magsayo matapos ang naranasan nitong pambubugbog.
Naitakbo naman ang kadete sa pagamutan ngunit kalaunan ay naideklara ito bilang dead on arrival.