Kamangha-mangha ang kaisipan ng isang gin maker sa Paarl, South Africa sapagkat dumi ng elepante ang isa sa mga sangkap na ginagamit nito sa paggawa ng alak.
Ang inipong dumi ng elepante ay pinapatuyo at pagkatapos ay inilalagay sa mainit na tubig upang ihanda sa susunod na proseso.
Ayon kay Les Ansley, perpektong sangkap ang dumi ng mga elepante dahil mapili umano ito sa mga pagkain at tanging mga malalasang dahon, prutas, bulaklak at iba pang halaman ang kinakain ng mga ito na maaaring magbigay ng aromatic spirit sa alak.
Nang tanungin tungkol sa amoy at lasa ng gin, ito raw ay “refreshing”, “earthy” at lasang citrus, dahilan kung bakit kakaiba ang gin na ito ayon kay Johanna Jones na isang bartender.
Dagdag pa rito, umaabot sa 1,500 bote ng gin ang nagagawang ma i-export ni Ansley at ng kanyang asawa kada buwan magmula nang mailunsad ang nasabing produkto noong 2018 at ngayong taon nga lang ay nag-umpisa na rin silang mag-supply sa dalawang malalaking retailers ng alak sa nasabing bansa.
Samantala, ang 15% na kita ng produkto ay napag-isipang ibigay ng mag-asawa sa isang elephant orphanage bilang donasyon.### RHODA REODIQUE, Intern