DSWD: patong-patong na kaso laban sa mga barangay officials na dawit sa pagkaltas ng ayuda sa Davao

Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa lahat ng mga barangay officials, o elected officials maging ang mga kawani ng DSWD na wala silang karapatan na kaltasan ang ayudang ibinibigay ng ahensya sa mga natukoy na pinaka apektado ng El Niño.

Kaugnay ito sa nag viral na video na isang buntis, kung saan binawasan ng barangay ang ayuda nitong sampung libong piso at binigyan na lamang sya ng 1,500 pesos.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, batay sa kanilang paunang imbestigasyon, kinaltasan daw ito ng barangay officials para ma-parte-parte at maipamigay sa mas maraming tao.

Ani Gatchalian, hindi nila palalagpasin ang ganitong gawain kahit pa isolated case lamang ito.

Dahil dito, magsasampa ng patong-patong na kaso ang DSWD kasama ang benepisyaryo laban sa mga sangkot na barangay officials.

Kabilang sa mga isasampang kaso ay administratibo at kriminal, partikular ang grave abuse of authority, graft and corruption, intimidation at robbery.

Umaasa ang DSWD na magsilbing babala ito sa iba pang barangay officials na nagbabalak samantalahin ang mga benepisyaryo.

Hinimok rin ni Gatchalian ang mga benepisyaryo na huwag pumayag na bawasan ang kanilang ayuda at agad na magsumbong sa kanilang ahensya upang maagapan at maaksyunan kaagad ang ganitong uri ng pang-aabuso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *