KORONADAL CITY- NAGLAGAY ng mga help desk ang Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 12 sa dalawang mga malls sa lungsod ng Koronadal para sa mga may katanungan kaugnay sa legal adoption.
Ayon kay Social Welfare Officer III Cora Obenieta ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Adopotion Alternative Childcare Week na nagsimula noong June 12 hanggang June 17.
Inihayag ni Obenieta na may mga social workers na nakatalaga sa 4th floor ng KCC Mall of Marbel at 1st Floor ng Mall of Ace Centerpoint na handang tumugon sa mga katanungan kaugnay sa legal na proseso ng pag-aampon, foster care at simulation of birth.
Sa ngayon, mas pinasimple, pinabilis at hindi na magastos ang proseso ng legal adoption sa bansa dahil sa naipasang batas na Republic Act 11642 o Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act na naging epektibo noong January 28, 2022.
Sa naturang batas, tinanggal na ang judicial process ng adoption.
Sa halip, ang proseso ng pag-aapon ay ipinauubaya na sa bagong tatag na National Authority for Child Care (NACC) na attached agency ng DSWD.
