CAMARINES NORTE- Arestado ang driver ng isang pribadong sasakyan na nagsilbing tagahatid sundo ng pasahero mula Metro Manila papasok ng Camarines Norte dahil umano sa pamamahagi ng pekeng antigen test result sa isa nitong pasahero.
Kinilala ang suspek na si Jayson Montuya y Arellano 24 anyos, residente ng Purok 1, Barangay Bagasbas dito sa bayan ng Daet.
Ayon sa ulat ng Camarines Norte Police Provincial Office dakong alas 4: 50 ng umaga nitong Lunes, Agosto 9, isang Locally Stranded Individual (LSI) na si alyas “Nica” 20 anyos na taga Sitio Tumandok, Barangay Mambungalon, Mercedes ang nagpresenta ng kaniyang Antigen Result sa mga staff ng Mercedes Municipal Isolation (MIU).
Nang rekisahin ng mga taga Municipal Health Office ang nasabing test result, napag alamang peke ito kaya’t agad na inireport sa Mercedes Municipal Police Station.
Ayon umano kay alyas “Nica” ang naturang resulta ng antigen test ay ipinamahagi mismo ni Montuya sa mga pasahero nito para ipresenta sa mga Quarantine Control Points at Isolation Units na pupuntahan ng mga ito.
Kaugnay nito nagkasa ng hot pursuit operation ang Mercedes Police kasama si Nica upang matukoy ang kinaroroonan ni Montuya.
Bago mag tanghali kahapon ay naaresto ang suspek sa Purok 3, Barangay San Roque sa naturan pa ding bayan.
Muli namang nagpaalala ang pamunuan ng PNP sa Camarines Norte na tigilan na ang pagtatangkang mag peke ng mga dokumento o resulta ng antigen test.
Ayon kay PNP Provincial Director PCol Julius Guadamor ang ginagawa umano nilang paghihigpit ay hindi para sa kapritso o kapakanan lang ng kapulisan.
Ito umano ay para sa kaligtasan ng karamihan kaya’t hinimok ng opisyal ang lahat na makipagtulungan sa mga ginagawa nilang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng COVID- 19.
Ayon pa sa opisyal hindi nila ito palalampasin at sana raw ay magsilbing aral ito sa lahat na hindi biro ang ginagawang panloloko ng ilan.

