DPWH nakatutok sa mga lugar na madalas binabaha sa bayan ng Daet ngayong madalas na ang nararanasang pag ulan

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakatutok ito ngayon sa mga lugar na madalas binabaha partikular dito sa bayan ng Daet.

Ayon kay District Engineer Edwin Bermal mayroong routinary maintenance na ginagawa ang kanilang mga tauhan at mas lalo umano nila itong paiigtingin ngayong madalas na ang mga pag ulan dahil sa pag iral ng amihan season at ng La Niña.

Kabilang umano sa kanilang ginagawa ay ang paglilinis sa mga baradong kanal na nagiging dahilan ng mga pagbaha.

Kaugnay nito ay umapela si Bermal sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura.

Ang walang pakundangan daw kasing pagtatapon ng basura ay isa sa mga dahilan ng pagbaha na nagdudulot ng perwisyo sa karamihan.

Aniya,importante ang disiplina at kooperasyon ng bawat isa upang maiwasan ang mga pagbaha.

Read More:  Rider dies after crashing into trailer truck in Davao City

“Gawa ng minsan itong mga kababayan natin yung mga basura, walang pakundangan pagtapon ng basura lalo na pagabi, sana iwasan naman din natin yan, mga ganong gawain kasi ang nagsa- suffer eh tayo din, yung basurang tinapon natin ay babalik din sa atin, ang kawawa naman yung nag iingat din na magtapon ng mga basura ay kung minsan yun pa ang naga grabe pagdating sa pinsala.” ani Bermal.

Sa ngayon ay patuloy ang DPWH sa pag identify ng mga critical areas at may mga ginagawa na umano silang structure lalo na sa mga maliliit na kanal upang makadaloy ng maayos ang tubig.

Kabilang sa mga tinukoy ni Bermal na kritikal na lugar ay ang Vinzons Avenue dito sa Daet na kaunting ulan lang ay bumabaha na.

May mga nagawa na umano silang retrofitting at pag -upgrade sa mga kanal.

Read More:  HBONI, DOST push science-based development in Himamaylan IP community

“Diyan Vinzons Avenue dati kaunting ulan lang bahang baha na tayo, so far naman base dito sa mga nagawa na namin na mga kanal nga, yung retrofitting , pagkatapos upgrading nitong mga kanal ay nasubok na rin namin na kahit umuulan na rin ay hindi katulad noon na talagang kaunting ulan lang ay baha na ang Daet.”

Lagi naman daw handa ang kanilang mga tauhan pero aminado si Bermal na kulang sila sa mga equipment.

Hindi rin umano agad- agad na maisasaayos ang lahat dahil kailangan din ang pondo kaya’t ang mga critical areas ang binibigyang prioridad.

Ayon naman sa Pagasa, hindi pa gaanong nararamdaman ngayon sa lalawigan ang La Niña.

Sa ngayon ay Northeast Monsoon o amihan ang nararanasan sa lalawigan na nagiging dahilan ng mga pag ulan.