BNFM BICOL—Sabay-sabay o simultaneous na nagsagawa ng pagbabakuna kontra COVID-19 ang iba’t-ibang bayan sa islang lalawigan ng Catanduanes kahapon, November 4, bilang bahagi ng kanilang pagsusumikap na maabot ang herd immunity sa lalawigan sa lalong mas madaling panahon.
Kabilang ang mga bayan ng San Miguel; Bagamanoc; Baras; Gigmoto; San Andres; Viga; Panganiban; Pandan; Caramoran at Virac sa mga nagsagawa ng puspusang vaccination roll out nitong Huwebes.
Umarangkada kahapon ang pagbabakuna sa mahigit 1,200 na mga estudyante ng Catanduanes State University sa mismong gymnasium ng paaralan, na inaasahang magpapatuloy naman ngayong araw ng Biyernes kung saan ‘Sputnik V’ vaccine na gawa ng Gamaleya sa bansang Russia ang naiturok sa mga estudyante.
Isinagawa rin ng RHU Panganiban sa municipal plaza ang vaccination roll out para sa ikalawang dose ng Sinovac vaccine ng mga residente; second dose ng Pfizer naman ang tinanggap ng mga residente sa Baras habang isinagawa rin ng vaccination team ng EBMC ang pagbabakuna sa mga buntis sa bayan ng Virac gamit ang Moderna vaccine.
Matatandaan na una nang inihayag ni DOH Catanduanes Provincial Officer Dr. Robert John Aquino na target nilang madagdagan pa ng 20% sa mga susunod na linggo ang population coverage sa lalawigan na ngayon ay pumalo na sa 40% mula sa target population.###