CATANDUANES—Inihayag ni DPWH Catanduanes District Engineer Gil Balmadrid, na nasa kabuuang 70 plastic barriers ang binili ng nasabing ahensya upang ilagay sa mga nagpapatuloy na road projects sa islang lalawigan.
Ayon kay Balmadrid, layunin ng DPWH sa pagbili ng mga plastic barriers ang mabigyan ng dagdag na proteksiyon ang mga motorista sakaling masangkot ang mga ito sa road accident.
Dahil gawa ang mga ito sa plastic at naglalamaan ng tubig, hindi umano gaanong magiging malala ang tama ng mga riders habang magsisilbi din itong ‘early warning device’ dahil madali itong makikita ng mga motorista.
Samantala, binigyang linaw naman ng opisyal ang tungkol sa pagkakadawit ng mga on-going road projects sa lalawigan sa mga sunod-sunod na naiulat na mga aksidente na ikinasugat at ikinasawi ng mga motorista.
Ayon kay Balmadrid, nakausap niya na ang mga contractors ng mga ito at sinabing kaya madilim at hindi makita ang mga warning signages sa daan ay dahil madalas na ninanakaw umano ang mga ilaw na inilalagay nila dito habang natutumba naman ang mga signages.
Matatandaan na nitong mga nakaraang araw, kaliwa’t-kanang aksidente sa kalsada ang naitala sa iba’t-ibang bayan sa Catanduanes kaya’t minabuti na rin umano ng ahensya na aksyunan ito sa pamamagitan ng paglalagay ng barriers.###