Nagbukas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng internship program para maghire ng mas marami pang data encoders, para tugunan ang backlog sa datos ng COVID-19 vaccination.
Ayon kay Department of Interior and Local Government spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya, may kakulangan sa data encoders, dahil maraming tao na ang nagpapabakuna laban sa COVID-19.
Sa ngayon, batay sa datos ng gobyerno, lumalabas na 71.68 million COVID-19 vaccine doses na ang nababakunahan, kung saan 32.21 million individuals ang fully-vaccinated na laban sa COVID-19 at 39.47 million ang nakatanggap ng kanilang first dose.
Sinabi ng DILG na nagbukas ang DOLE ng 100 encoder slots sa Metro Manila, na idedeploy sa iba’t-ibang local government units.

Una nang nagbabala ang DILG na maglalabas sila ng show-cause order laban sa mga LGUs na bigong makakasumite ng kanilang daily COVID-19 vaccination reports, matapos madiskubreng 30% ng mga LGUs sa bansa ang hindi sumusunod sa requirements, dahilan para hindi maisama ang milyon-milyong vaccination figures sa national data. //MHEL PACIA-TRINIDAD