Ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa naiulat na pagtakas ni dismissed Bamban, Tarlac, Mayor Alice Guo sa bansa.
Kaugnay nito, agad na pinagpapasa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang Bureau of Immigration (BI) ng report hinggil dito.
Mababatid na noong Hulyo, isinama ang pangalang “Alice Guo” at “Guo Hua Ping” sa Immigration Lookout Bulletin (ILBO) na siyang nag-aatas sa mga kinauukulan ng mahigpit na pagbabantay sa naturang indibidwal para hindi ito makasibat sa bansa.
Sa kabila ng ILBO, kinumpirma ngayon ng BI na nagtungo na ng Malaysia ang dating alkalde.
Sinabi ni Remulla na bilang mga civil servants, nanumpa sila sa bansa ng hindi matitinag na integridad, transparency, at accountability sa lahat ng mga gagawin nilang aksyon.
Dahil dito, nagbigay siya ng final warning sa tauhan ng BI na may partisipasyon sa pagtakas ni Guo sa kabila ng paghihigpit ng gobyerno.
Ani Remulla, nasa taong ito na kung siya ay magpapakita at ilalantad ang katotohanan, o maghihitay siya hanggang malaman ng ahensya ang lahat kung saan magiging matindi ang kahihinatnan.