Isinusulong ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino na ma-institutionalize na nag psychosocial counselling para sa overseas Filipino workers na nakararanas ng mental health issues.
Lumiham si Magsino kay Health Secretary Teodoro Herbosa upang bumuo ng specific programs na tutugon sa mental health needs ng OFWs habang nagtatrabaho abroad.
Nais nito na isagawa ang counselling bago umalis ng Pilipinas upang ihanda ang OFWs sa inaasahang hirap na pagdaraanan kapag na-deploy na sa ibang bansa.
Maging ang pamilya ng mga OFW ay dapat umanong sumailalim sa counselling.
Paliwanag ni Magsino, hindi kailangan ng karagdagang budget para tulungan ang OFWs sa kanilang mental health dahil mayroon nang “Lusog Isip Program” at maaaring i-adopt ang “Lusog Isip Program para sa OFWs at Kanilang Pamilya”.
Giit pa ng kongresista, kadalasang vulnerable sa mental stress ang OFWs dulot ng pag-iisa, problema sa pamilya, economic pressure at kawalan ng kakayahan na makibagay sa kinaroroonang lugar.
Hindi lamang aniya OFWs sa Taiwan at Singapore ang matutulungan ng programa kundi ang milyun-milyong nasa iba’t ibang bahagi ng mundo tulad ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Hong Kong, Kuwait, Qatar, Bahrain at Oman.