Pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) at mga eksperto ang rekomendasyon ukol sa pagbibigay ng 2nd booster shots sa mga poll officer at overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang naturang rekomendasyon ay pag-uusapan nila dahil kinakailangan nilang amyendahan ulit ang emergency use authorization (EUA) para isama ang mga nasabing sektor.

Matatandaan na inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang EUA para sa 4th dose o second booster shot para sa mga medical frontliners, immunocompromised at senior citizens.
Samantala, patuloy pa din ang review na ginagawa ng Health Technology Assessment Council (HTAC) tungkol dito dahil mga immunocompromised pa lang ang kanilang inirekomenda para sa naturang bakuna. || ARGIE ERGINA