BICOL—Muling ipinaalala ng Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD) sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na sundin ang mga panuntunan para sa COVID-19 vaccination roll-out na inilabas ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), National Vaccination Operations Center (NVOC) at ng DOH.
Ang mga guidelines umanong ito ay naibaba na sa mga LGU sa pamamagitan ng Provincial, Municipal at City Health Offices ng Regional Vaccination Operations Center (RVOC) para kanilang sundin.
Kabilang dito ang tamang pagsunod sa prioritization kung saan dapat mauuna ang A1, A2 at A3 o ang mga medical front liners, senior citizens at mga indibidwal na co-morbidities o kondisyong nakakaapekto sa kanilang immune system.
Base umano ito sa lebel ng panganib na sila’y mahawa ng sakit ngayong limitado ang suplay ng bakuna sa rehiyon.
Paliwanag pa ng Bicol CHD, ang National Government ang nagdedesisyon kung ilang doses ng bakuna ang ibibigay sa Bicol Region.
Ibinibigay naman sa poder ng mga probinsya ang pagtukoy sa vaccine allocations sa bawat sakop nitong lokalidad base sa assessment ng kaso sa kanilang lugar at sa kanilang isinumiteng master list.
Ang mga Local Chief Executives (LCEs) naman sa lebel ng probinsya, syudad o bayan ang siyang naatsang magpatupad ng vaccination activities salig sa vaccination guidelines and procedures.
Ang mga vaccination sites ay kailangang magsumite ng end-of-day reports sa COVID-19 Bakuna Center Registry (CBCR) Quick Counts at Department of Information and Communications Technology (DICT) para mai-consolidate ang mga datus at matukoy ang bilang ng mga nabakunahan sa bawat priority group.### || SLM

