CATANDUANES— Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 at pagsampa sa 70% ng utilization rate ng hospital beds sa mga COVID-19 patients, itinaas ng Department of Health sa Alert Level 3 ang COVID situation sa islang lalawigan ng Catanduanes.
Ayon kay Provincial DOH Officer Dr. Robert John Aquino, sa ilalim ng Alert Level 3 ay iminumungkahi ng ahensya na paigtingin ang isinasagawang COVID-19 response ng lalawigan, partikular ang pagpatupad ng granular lockdown; active case finding at pag decongest sa mga ospital at pagpapabilis ng vaccination rollout.
Upang mapababa ang ulitization rate sa mga COVID beds, ipinapayo ng DOH na ilipat sa mga Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMF) ng bawat munisipyo ang mga mild cases at asymptomatic COVID-19 patients.
Kaugnay nito, inalerto na rin ng ahensya ang bawat alkalde at Municipal Health Officers ng mga bayan sa Catanduanes upang agad na masimulan at maipatupad ang naturang mga hakbang.
Sa huli, muling umapela si Aquino sa mga Catandunganon na makipagtulungan sa kani-kanilang LGUs sa pamamagitan ng pagsunod sa mga umiiral na health protocols at pakikiisa sa nagpapatuloy na COVID-19 vaccination sa lalawigan lalo na ang mga kabilang sa priority groups.
Sa pinakahuling tala, pumalo na sa 935 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa islang probinsya.###