Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga taong nakatira malapit sa bulkang Taal na magsuot ng protective gear pag aalis ng tahanan para maprotektahan ang sarili mula sa panganib na dala ng sulfur dioxide na ibinubuga kapag may pagsabog.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang sulfur dioxide na naibubuga tuwing phreatomagmatic bursts ng Taal volcano ay posibleng maka-irritate ng mata, balat, at respiratory system, lalo na para sa mga taong may asthma, bronchitis, o emphysema.
Aniya, ang sulfur dioxide emissions ay pwedeng magdulot ng hirap sa paghinga, mabigat na pakiramdam sa dibdib, ubo, at pangangati ng lalamunan at ilong.
Kaya naman, hinikayat ng opisyal ang mga residente na magsuot ng N95 mask, eye protection gaya ng goggles, at pagprotekta sa balat pag lalabas. Bukod dito, manatili ring nakaalerto sa mga kaganapan at sumunod sa babala ng lokal na pamahalaan.
Inabisuhan din ni Vergeire ang mga nakatira malapit sa bulkan na isarado ang kanilang mga pintuan at bintana at manatili sa bahay hangga’t maaari.
Mababatid na tiniyak ng state volcanologists sa publiko na ang pag-aalburoto ngayon ng bulkan ay iba sa nangyari noong January 2020 phreatic eruption.