Nanindigan ang Department of Health sa polisiya ng gobyerno sa risk-based testing ng COVID-19 sa gitna ng mga natatanggap na kritisismo ng bansa na hindi sapat ang ginagawa nitong testing.
Noong Miyerkules, ay lumabas sa COVID-19 resilience report ng Bloomberg na ang Pilipinas ang worst performer mula sa 53 pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo.
Sa artikulo na naglalaman sa nasabing report ay sinabi ng Bloomberg na nahaharap ang Pilipinas sa “perfect storm” ng Delta variant na sinamahan pa ng hindi sapat na testing at lockdowns na nakasagabal na sa ekonomiya at hanap-buhay ng mga tao.

Iginiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na lagi silang nag-aadvocate para sa risk-based testing na nakabase sa proper clinical assesment ng mga sintomas at exposure.
Kasabay nito ay patuloy anya ipinaalala ng gobyerno sa publiko na mag-isolate kaagad sakaling maramdaman nila ang mga sintomas ng COVID-19 o kung may exposure sila.
Mababatid na sa ilalim ng risk-based strategy ng gobyerno ay tanging ang mga tao lamang na may sintomas, at pati na rin ang mga close contacts ng COVID-19 patients, o ang mga tao na nagmumula sa mga lugar na may matataas na kaso ng COVID-19 ang isasailalim sa testing.