BNFM BICOL—Pinuri ng Department of Health ang vaccination effort sa islang lalawigan ng Catanduanes kasabay ang pagtitiyak ng ahensya ng patuloy na pagdagdag sa alokasyon ng bakuna na ipinadadala sa probinsya.
Batay sa sulat na ipinadala ni DOH Usec. Myrna Cabotaje sa tanggapan ni Catanduanes Gov. Joseph Cua, nakasaad dito ang kumpirmasyon ng ahensya sa pagkakatanggap ng kahilingan ng lalawigan kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. kaugnay ng dagdag na alokasyon ng bakuna para sa isla.
Asahan umano ng Catanduanes na daragdagan pa ng DOH ang mga bakunang ipapadala sa probinsya sa mga susunod na araw habang pinuri naman nito ang nagpapatuloy na vaccination effort sa lalawigan, matapos mabakunahan ang nasa 106,421 na mga indibidwal, batay sa pinakahuling datus ng PHO as of October 18, 2021.
Sa nasabing bilang, 63,232 sa mga ito ang nakatanggap na ng first dose ng bakuna habang 43,189 na mga indibidwal naman ang fully vaccinated na kontra COVID-19 na 22% coverage ng target population ng Catanduanes.
Kaugnay nito, umabot na rin sa kabuuang 123,535 doses ng mga bakuna ang dumating sa isla na binubuo ng mga bakunang Sinovac, AstraZeneca, Janssen at Pfizer.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagbabakuna para sa priority groups A1 to A5 habang sinimulan na rin ang pagbabakuna sa mga kabilang sa ‘priority group B’ o ang natitirang bahagi ng adult population.###