LEGAZPI CITY- Nilinaw ng Department of Health (DOH) Bicol na nasa state of public health emergency pa rin ang mga lugar kahit pa isailalim ito sa COVID-19 alert level 1.
Ito ang naging pahayag ni COVID-19 Program Coordinator Dr. Lulu Ramos–Santiago sa isang virtual media pressconference kung saan sinabi niyang nasa pandemya pa rin tayo kahit pa isailalim ang mga lugar sa alert level 1.
Aniya, sa kasalukuyan ay may mga naitatala pa ring kaso ng COVID-19 kung kaya’t patuloy pa rin ang kanilang pagbabantay o pagmomonitor sa mga lugar.
Nananawagan pa rin ang DOH Bicol sa mga mamamayan na magpabakuna para magkaroon ng proteksiyon.
Gayundin, paalala pa rin nila na palaging magcomply sa minimum public health standards tulad ng tamang pagsusuot ng facemask, proper handwashing, at social distancing sa mga matataong lugar upang maprotektahan ang ibang age group na hindi pa eligible na mabakunahan.