DOH: 89% ng mga probinsya, lungsod nasa ilalim ng mataas na COVID-19 alert levels

Ibinahagi ng Department of Health na 89% ng mga probinsya, highly-urbanized cities (HUCs), at independent component cities (ICCs) sa bansa ang nasa ilalim ngayon ng levels 3 at 4 para sa COVID-19.

Batay sa presentasyon ni DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman sa isang online media briefing, 89 percent o 108 ng mga probinsya, HUCs, at ICCs ay kasalukuyang nasa dalawang highest alert levels.

Dagdag ni De Guzman, karamihan sa kanila ay nasa mahigit 70 percent na ang bed at ICU utilization.

Batay sa DOH metrics, isinasailalim ang mga lugar sa alert level 4 kung ang kanilang risk classification ay moderate hanggang sa critical risk at kung ang kanilang total healthcare utilization rate (HCUR) o intensive care utilization rate (ICUR) ay mahigit 70 percent.

Itinataas naman ang Alert level 3 kung ang mga lugar ay may moderate to critical risk classification para sa infections at ang kanilang HCUR o ICUR ay nasa 50 hanggang 70 percent. // MHEL PACIA-TRINIDAD