CAMARINES NORTE- Tumugon ang Diocese of Daet sa panawagan ni Pope Francis na italaga ang Russia at Ukraine sa Kalinis- linisang puso ni Maria ngayong araw sa pagdiriwang ng Solemnity of the Annunciation of the Lord.
Sa isang circular na ipinalabas nitong Huwebes, hinimok ni Bishop Rex Andrew Alarcon ang mga pari, relihiyoso at layko na dasalin ang Act of Consecration of Russia and Ukraine sa lahat ng pagdiriwang ng misa ngayong araw alinsunod sa nais ng Santo Papa.
Matatandaan na una na ring umapela si Alarcon na patuloy na magdasal para sa kapayapaan ng bansang Ukraine.
Sa gitna pa rin ito ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa at sa nagpapatuloy na kaguluhang nagaganap ngayon.
Sumiklab ang kaguluhan sa naturang bansa noong nakaraang buwan.
Pinauulanan ng Russia ng missile ang Ukraine, partikular ang kabisera nitong Kyiv nitong mga nagdaang araw.
Nagpatupad naman ng sanction bilang ganti ang ilang bansa gaya ng UK laban sa Russia, tulad ng pag-freeze ng assets ng major Russian banks.
Maging ang mga Russian billionaires na kaalyado ni Russian President Vladimir Putin na may mga negosyo at aria-arian sa UK at paghinto sa hi-tech exports.
Kaliwa’t kanan din ang protesta kontra sa Russian invasion sa Ukraine.
