DILG nasa “waiting game” ngayon kaugnay sa kahihinatnan ng pagkakasuspinde ng Vice Mayor at halos lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan ng Capalonga

Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hinihintay pa nila sa ngayon ang gagawing ligal na hakbang kung mayroon man ng Bise Alkalde at halos lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan ng Capalonga, Camarines Norte, makaraang patawan ng 60- day preventive suspension ng Sangguniang Panlalawigan noong Martes.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet, sinabi ni DILG Provincial Director Ray Caceres na kapag natanggap na ng kaniyang opisina ang kopya ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na nagsasailalim sa preventive suspension sa mga opisyal ng Sangguniang Bayan ng Capalonga ay saka pa lamang sila gagawa ng special report na ipapadala sa kanilang Regional at Central Office para sa kaukulang aksyon.

Paliwanag ni Caceres na posible raw kasing dumulog sa korte ang mga nasuspindeng opisyal para humiling ng Temporary Restraining Order (TRO) kaya’t hindi pa maaaring i- fill- up ang mangyayaring vacancy sa posisyon.

Read More:  CCTV captures computer shop robbery in Talisay City

Maghihintay rin umano sila ng guidance mula sa Regional at Central Office para sa nararapat na aksyon.

 “Hindi pa nga po yun mapapalagyan kasi kung may TRO sila, aalamin po namin kung may ina-apela sila o may pi-nile sila na makakuha ng TRO po, pero pansamantala po ang aking tanggapan ay ipagbibigay na po ito ng alam sa Regional Office at sa Central Office para po makakuha kami ng tamang guidance at instruction po patungkol po dito, ani Caceres.

Kung mabibigong makakuha ng legal remedy ang mga sinuspending opisyal ay saka pa lamang aniya bubuo ng screening committee na pangungunahan ni DILG Regional Director Atty. Anthony Nuyda para punan ang temporary vacancy.

Read More:  NPA regional committee in Caraga collapses as remaining members surrender

“Sa bayan po ng Capalonga, wala po tayong magagawa kundi maghintay po kasi baka mamaya makakuha ng TRO di makakabalik po sila, pero kung sakaling hindi na po sila makakakuha ng TRO so susundin po yung proseso na magkakaroon ng screening committee na pamumunuan nga po ni RD Nuyda so baka madaliin naman po ito ng screening committee para maka- appoint agad, maka -designate agad si SILG (Interior Secretary Eduardo Ano).”

Mababatid na dahil sa pagkakasuspinde ng Bise Alkalde at walong miyembro ng Sangguniang Bayan ay dalawa na lang ang natira kaya’t pinangangambahang maparalisa ang opisina at mabalam ang mga nakabinbing legislative measures.