Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units at ang Philippine National Police (PNP) na mahigpit pa ring ipatupad ang health protocols partikular ang pagsusuot ng facemask sa mga indoor areas.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kahapon sa rekumendasyon na gawing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng facemask sa open spaces.
Ayon kay DILG Sec Benhur Abalos, ngayong nakikitaan muli ng bahagyang pagtaas ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, marapat lamang na maghigpit ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng polisiya ukol sa pagsusuot ng facemask sa mga establisyimento, lalo na sa public transport.
Kailangan aniyang manguna ang mga LGU’s sa pagpapatupad ng bagong polisiya lalo na at posibleng may mga indibidwal na nalilito sa akalang pwede na ring hindi magsuot ng facemask sa mga indoor places.
Ngayon aniyang may ipinatupad na pagluluwag ang pamahalaan, dapat matiyak ng bawat isa na hindi ito magiging sanhi ng panibagong surge ng COVID-19.
#