Inamin ng Department of Transportation (DOTr) na walang alokasyong pondo sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program o NEP ang kanilang programa para sa pag-modernize ng mga public utility vehicle o PUV sa bansa.
Sa isinagawang budget hearing ng House Committee on Appropriations ngayong araw, sinabi ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor na aabot sa P778 million ang proposed budget nila para rito ngunit hindi ito nakasama sa NEP.
Dahil dito inihayag ni Kabataan party-list Representative Raoul Manuel na masyadong nakakagulat dahil wala palang aasahan na tulong ang mga jeepney drivers mula sa gobyerno para sa pag-modernize ng kanilang mga sasakyan.
Ayon pa sa mambabatas, paano maaabot ang target ng ahensya na aabot na sa 5,300 na modern PUV’s ang babyahe sa mga lansangan sa bansa pagsapit ng susunod na taon.
Mababatid na aabot sa mahigit P167 billion ang inilaang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa DOTr sa 2023.
#