CAMARINES NORTE- Hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng Local Government Units na gawin lahat ang paraan upang marami ang mahikayat na magpabakuna sa gagawing 3-day national vaccination na magsisimula sa November 29 hanggang December 1 na tinawag na Bayanihan Bakunahan.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni DILG Provincial Director Ray Caceres na lahat ng stratehiya mula sa Barangay hanggang Provincial level ay dapat gawin para maabot ang target na mabakunahan.
Kung kinakailangan umanong magbahay- bahay ay gawin ito at ipaliwanag sa mga tao ang kahalagahan ng bakuna at proteksyong hatid nito.
Wala rin umanong pinipiling lugar ang bakunahan dahil pwede itong dalhin maging sa mga Geographically, Isolated and Disadvantage Area (GIDA) sa tulong ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at iba pang law enforcement unit.
“So lahat po ng strategy na pupwedeng i- employ sa barangay level, municipal and provincial level ay kailangan pong makapag come up sila ng action plan on how to do this,” ani Caceres.
Mas mainam din umano kung marami ang vaccination team ng mga LGU para mas marami ang mabakunahan.
Higit na dapat umanong hanapin para mabakunahan ay ang mga kabilang sa A2 at A3 priority groups na wala pa ring natatanggap na bakuna.
Kabilang umano sa mga stratehiya na pwedeng gawin ng LGUs ay ang pagbibigay ng insentibo para mahikayat ang mga ito na magpabakuna.
Payo ni Caceres sa mga ayaw at natatakot magpabakuna na huwag nang magdalawang isip pa dahil mas mahirap umano kung walang proteksyon laban sa nakamamatay na COVID- 19.
“Yung mga natatakot pong magpabakuna hindi ko lang alam kung bakit takot kayo sa bakuna na kung lalagnatin kayo siguro niyan baka mga 3 days, tapos hindi kayo takot sa COVID na lalagnatin kayo ng 14 days at baka nga mamatay pa kayo kung sakaling wala kayong bakuna and magastos po ang, pag nagka Covid kayo, ang expenses po sa hospitalization and other medicine ay napakalaki samantalang po yung bakuna yan ay libre, zero expense o baka ang expense mo lang pamasahe from your house to the area kung saan ka magpapabakuna.”
