Inamin ng Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega na hindi pa nito makukumpirma kung kailan makatatawid ang mga Pilipino na naipit sa giyera sa pagitan ng Israel at Grupong Hamas papuntang Egypt.
Ayon kay De Vega, kahit inulat na ni United States President Joe Biden na pumayag si Egyptian President Abdel Fattah al-Sisi na buksan ang Rafah crossing ay wala pa rin itong nakatakdang araw kung kailan sila makatatawid.
Bukod dito, hindi rin aniya tiyak kung papayagan ba sila ng Palestinians na tumawid papuntang Egypt.
Dismayado si De Vega dahil noong nakaraang linggo pa raw sinabi na bubuksan na ang border pero hindi pa rin natuloy.
Samantala, umaasa pa rin ang DFA na makatatawid na ang mga Pilipino doon sa Egypt sa susunod na 48 oras.