Inihayag ng Department of Foreign Affairs na walang Pilipino ang nakalista o napaulat na sakay ng Liberian-registered Niko Ivana cargo ship na lumubog sa Liberia coast.
Sinabi ni Assistant Secretary Eduardo Meñez ng DFA Office of Strategic Communication and Research, na base ito sa natanggap nilang preliminary information.
Kung maalala ay sinabi ng Maritime Commissioner noong Linggo na tinatayang nasa pitong tao ang nawawala matapos lumubog ang cargo ship.

Umalis ang Liberian-registered na Niko Ivanka sa Monrovia noong Sabado para sa isang port-in sa katimugang bahagi ng naturang bansa, sa kabila ng pagpigil sa kanila ng Liberia Maritime Authority na makapaglayag dahil sa kabiguan nito na makasunod sa basic safety requirements.
Base sa isang manifest ay nasa 18 tao ang nakasakay sa barko sa oras ng departure nito, ngunit hinala ng mga otoridad ay posibleng mas marami pang tao ang sakay nito, matapos mapag-alaman na hindi lisensyado ang naturang barko na magsakay ng mga pasahero.
Kabilang sa mga nakalista sa manifest ay ang isang Swedish captain, isang Chinese crew member, at siyam na miyembro ng regional school examinations body ng West Africa.