Tila ay marami pang bagay na pinaghuhugutan ang aktor na si Derek Ramsay matapos nitong ibunyag na tinapos na niya ang pagkakaibigan nila ni John Estrada.
Inihayag ito ni Derek sa isang panayam kasama si Ogie Diaz, kung saan ay sinabi niya: “Ibigay ko kay John, he was apologetic sa mga bagay na nangyari.”
Dagdag ni Derek, “there were certain things na hindi ko na pwedeng tanggapin. For me, you go on with your life, I’ll go on with my life and I wish you well.”
May kinalaman ito sa kontrobersya sa set ng John en Ellen, matapos ibunyag ng kaniyang fiancée na si Ellen Adarna na hindi na nasunod ang bubble sa taping ng Season 2 ng sitcom, wala na rin cut-off time, at minsan ay nagkakaroon sila ng rest day kung saan ay nag-iinuman umano sila sa set.
Nagsisilbi bilang aktor at line producer ng naturang sitcom si Estrada, habang si Ellen naman ang kaniyang leading lady.
Kaugnay nito ay ibinunyag rin ni Derek sa ibang panayam na dati na nag-false positive sa swab test si Ellen sa set.

Hindi naman nila sinisisi ang produksiyon dahil kasalanan naman ito ng kompanya na nagsagawa ng swab test.
Pero dahil diyan ay tiniis ni Ellen na hindi makita ang kaniyang anak na si Elias sa loob ng 20 araw para tiyakin na hindi malalagay sa peligro ang kalusugan nito.
Nabanggit rin ni Derek na bumisita man siya sa set o hindi ay tinitiyak ni Ellen noon na bumabalik siya kaagad sa kaniyang kwarto sa tuwing natatapos ang eksena nito bilang pag-iingat.
Samantala, tikom naman si Estrada sa bali-balita na balak ni Ellen na ireklamo ang produksiyon ng John en Ellen sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases dahil sa usaping paglabag sa safety protocols.
Mababatid na nagbitiw na si Ellen bilang leading lady ng sitcom, kahit inaasahan na magkakaroon pa ito ng Season 3.
Kamakailan rin ay naglabas si Ellen ng sama ng loob sa pamamagitan ng isang social media post tungkol sa usaping “unprofessionalism” kung saan ay sinabi niya na hindi dapat gumagawa ng pangako ang production staff, kung hindi nila ito kayang tuparin.
Matatandaan na napuna ng komedyante na si Long Mejia ang “unprofessionalism” umano ng aktres dahil sa pag-alis nito sa set ng John en Ellen kahit hindi pa tapos ang taping ng mga eksena.
Kalaunan ay humingi ng tawad si Long kaugnay sa kaniyang mga nasabi dahil hindi niya alam noon na meron palang kasunduan ang aktres kasama ang production staff kaugnay sa cut-off time.