DEPED Bicol, may direktiba nang isuspinde ang F2F classes sa ilang lugar sa Masbate dahil sa engkwentrong naganap

LEGAZPI CITY – Inihayag ng Department of Education (DEPED) Bicol na nagkaroon na sila ng direktiba na isuspinde ang face-to-face classes sa ilang mga bahagi ng lalawigan ng Masbate dahil sa kamakailang naganap na engkwentro partikular sa Cawayan at Placer.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay DEPED Bicol regional director Gilbert Sadsad, sinabi niyang magpapatuloy pa rin ang klase sa nasabing mga lugar, ngunit hindi pahihintulutang pumasok sa mismong mga paaralan, sa halip ay sa pamamagitan ng online/modular class.

Read More:  CCTV records alleged abduction in Cebu City

Ito ay bilang pag-iwas sa mga hindi inaasahang pangyayari, kaugnay ng naganap na putukan at mga pagsabog sa pagitan ng mga military at NPA sa nabanggit na mga lugar, kung saan batay sa kumalat na mga videos sa social media, makikita ang bakas ng takot sa mga mag-aaral, magulang at mga guro.

Aniya, may mga interbensyon din ang DEPED Bicol, katulad ng psychological first-aid, upang matulungan ang mga mag-aaral na maibsan ang kanilang takot at trauma dulot ng nangyaring sagupaan.

Read More:  Two die after minivan crashes into house in Cebu

Mayroon naman umanong mga grupo ng guidance counselors ang maaaring magsagawa ng nasabing first-aid sa mga bata.

Sinabi niya, ang ganitong uri ng interbensyon ay ibibigay partikular sa nasabing mga lugar, at kasama na rin ang Dimasalang ng kaparehong lalawigan, na prone din sa kaparehong mangyayari, ngunit, ayon kay Sadsad, hindi pa ito umano maaaring gawin sa ngayon para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga tauhan.