Tiniyak ni Environment Secretary Roy Cimatu na dumadaan sa recalibration ang crowd management measures ng ahensya nito sa Manila bay dolomite beach.
Ito ay matapos magkaroon ng overcrowding sa nasabing lugar nitong mga nakaraang linggo.
Sinabi ni Cimatu sa isang pahayag na labis na pinahahalagaan ng Department of Environment and Natural Resources ang kalusugan ng mga tao.
Anya, pinag-aaralan na muli ng DENR ang mga panuntunan nito upang masigurado na mabibigyan ang mga tao ng pagkakataon na makita ang kagandahan ng dolomite beach habang malaya mula sa kahit anong nakakahawang sakit.
Nangako naman ang kalihim na hindi na mauulit sa hinaharap ang insidente noong October 24 kung saan ay nabigo ang mga otoridad na kontrolin ang pagpasok ng mahigit 121,000 na bisita sa dolomite beach.
