BNFM BICOL—Napasok na rin ng Delta variant ng COVID-19 ang islang lalawigan ng Catanduanes. Iyan ang mismong kinumpirma ni Virac, Catanduanes Mayor Sinforoso Sarmiento, makaraang maitala sa kabiserang bayan ang unang kaso ng naturang variants of concern sa lalawigan.
Ayon sa alkalde, isang 26-anyos na lalaking bedridden at may sakit na kung tawagin ay “spina bifida” mula sa Brgy. Gogon Centro ang nag positibo sa Delta variant.
Dagdag pa nito, walang travel history ang pasyente at isinailalim lamang sa RT-PCR test nang dalhin sa isang pribadong ospital matapos na makitaan ng sintomas ng COVID-19.
Tatlong linggo na rin umano ang nakakaraan simula nang ideklara itong ‘recovered’ sa sakit at matapos ang halos isang buwan, napag-alamang nagpositibo pala ito sa Delta variant dahil sa isinagawang random testing ng Philippine Genome Center.
Bagamat idineklara na itong recovered, muli itong isasailalim sa re-swabbing bilang pagtalima sa guidelines ng DOH. Sa ngayon, ani Sarmiento, ay nakapagsagawa na sila ng backtracking sa lahat ng closed contacts ng pasyente na ngayon ay kasalukuyan nang naka quarantine habang naghihintay na muling ma swab test.
Isinasagawa rin sa naturang bayan ang surveilance testing partikular sa mga clustered barangays habang mas pinaigting din ang contact tracing at pagpapatupad ng granular lockdowns kung kinakailangan.###