Kinumpirma ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na nagpalabas na sila ng arrest order laban sa dating presidential economic adviser at negosyanteng si Michael Yang.
Nilagdaan na ni House Secretary General Reginald Velasco ang contempt order na inilabas ng Dangerous Drugs Panel at isinilbi ni House Sergeant-at-Arms, retired General Napoleon Taas at ng kanyang team sa Fortun Law Offices sa Las Pinas City.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Barbers na ipinaaaresto na ng komite si Yang dahil sa hindi pa rin nito pagsipot sa pagdinig ukol sa 3.6 billion pesos na shabu na nasabat sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon.
Iniuugnay si Yang sa isang incorporator ng Empire 999 Realty Corporation na nagmamay-ari sa warehouse kung saan nadiskubre ang mga droga.
Ipinag-utos din ng komite ni Barbers na ikulong ang dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan sa Taguig sa loob ng tatlumpung araw.
Gayunman, ibinunyag ng kongresista na posibleng nakaalis na ng bansa si Yang at nasa Dubai.
Makikipag-ugnayan aniya sila sa Bureau of Immigration at DFA upang alertuhin ang ibang bansa ukol sa arrest order t para alamin kung saan siya maaaring nagpalipat-lipat.